NI: Liezle Basa Iñigo
INFANTA, Pangasinan - Apat na mangingisda ang nag-turnover kahapon ng isang plastic container ng hinihinalang shabu sa Infanta, Pangasinan.
Sa ulat ng Infanta Police, dinala ng mga mangingisdang sina Juriel Murcia, Junrey Labesores, David Guatno, at Javito Salvador, pawang taga-Barangay Cato, Infanta, ang gray plastic container sa barangay chairman sa lugar na si Charlito Maniago Sr.
Hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, na tinatayang nasa 20 kilo, ang laman ng container.
Napag-alaman na pumalaot ang apat para mangisda hanggang nakita nilang lumulutang ang nasabing container sa karagatan sa hangganan ng Pangasinan at La Union nitong Agosto 27.
Aalamin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 1 kung shabu nga ang laman ng container.