Ni: Bella Gamotea

Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki, na ibinalot sa plastic bag ang ulo at may mga tama ng bala sa katawan, ang nadiskubre sa gilid ng riles sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.

Inilarawan ang biktima na nasa edad 30-35, nakasuot ng itim na sando at shorts, at may tig-dalawang tama ng bala sa ulo at bibig.

Sa inisyal na ulat ng Muntinlupa City Police, natagpuan ang bangkay sa gilid ng riles ng Philippine National Railways (PNR) sa Concepcion Road, Barangay Buli, dakong 12:30 ng madaling araw.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bago natagpuan ang bangkay, nakarinig ang mga residente ng sunud-sunod na putok ng baril sa nasabing lugar at agad nila itong itinawag sa kanilang barangay at sa pulisya.

Sa pagresponde, nadiskubre ng awtoridad ang biktima na naliligo sa sariling dugo at hindi na humihinga.

Sinasabing mula sa Concepcion Road, sapilitang isinakay ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang biktima sa isang motorsiklo at dinala sa gilid ng riles bago pinagbabaril.