Ni: Ric Valmonte
MAY hinala si Pangulong Rodrigo Duterte na ibinigay ni dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Judy Taguiwalo sa New People’s Army (NPA) ang bulto ng salapi ng Pantawid ng Pamilyang Pilipino (4Ps) program. Baka raw iyong pera ay ipinambili ng mga bala o armas dahil ayon kay Joma Sison, nagpapalawak at nangangalap ng mga tauhan ang kanilang samahan.
Dahil dito, kailangan nila ang karagdagang armas para sa pananambang, pagnanakaw o pangingikil. Ngunit nang tanungin kung iniisip niyang hindi nagamit nang tama ang pondo ng DSWD, tumanggi siyang kumpirmahin ito. “Hindi ko sinabi ‘yan. Merong mga report. Bahala na kayong magpasiya,” sabi niya.
“Binibigyan lamang ng Pangulo ng katwiran iyong pagbasura sa aking appointment ng kanyang mga kaalyado sa Commission on Appointments (CA),” sagot ni Taguiwalo. Wala, aniyang, batayan iyong sinasabi ng Pangulo na ibinigay niya sa NPA ang pondo na cash transfer program. Wala raw kahit piso ng 4Ps ang nagdaan sa kanyang kamay. Ang pondo ng programa ay nagdaan sa Landbank na diretsong nagbayad sa Pantawid beneficiaries at bawat transaksiyon ay inere-record at regular na ino-audit ng Commission on Audit. Ayon sa kanya, ang mga beneficiaries na ito ay iyong kinilala na ng nakaraang administrasyon at nasa listahan na bago pa man siya naupo. Ang hinanakit niya ay bakit ngayon lang ito sinasabi ng Pangulo, eh ni hindi man lang ito naitanong ng mga mambabatas sa Commission on Appointments. Aniya, kung naitanong ito ay madali niyang masasagot at madali nila itong makukumpirma.
“Pinagkatiwalaan ko ang Pangulo, pero hindi niya ako pinagkatiwalaan,” wika ni Taguiwalo. Kaya raw niya tinanggap ang posisyon dahil naniwala siyang maka-mahirap ang Pangulo. Inireserba ng Pangulo ang DSWD para sa NDF-CPP-NPA, pero inirekomenda nito sa kanya si Taguiwalo. Ayaw ng NDF-CPP-NPA na ang miyembro nito ang tumangan ng posisyon sa gobyerno dahil may sarili umano itong simulain at programa, hindi tulad ng sa gobyerno, na magpapaunlad sa bansa at magpapaganda sa buhay ng mamamayan. Talaga namang akala noon ng mamamayan ay bibigyan ng Pangulo ng pagkakataon na maging bahagi ng kanyang gobyerno ang mga taong magbibigay ng ibang uri ng paglilingkod. Sa loob ng 14 na buwan, bago ibinasura ng CA ang kanyang appointment, ipinakita ni Taguiwalo ang ibang klase ng lingkod-bayan. Tulad ng kanyang tinuran, walang pondo ng kanyang ahensiya ang kanyang natanganan. Kabaligtaran siya ng mga pulitikong hiningi sa kanya ang kanilang pork barrel. Ang 14 na buwan na paglilingkod sa gobyerno ay mahaba na para sa uri ng kanyang paglilingkod. Nagkaroon ang taumbayan ng pagkakataon na makita at madama ito at mabatid ang kaibahan nito sa klase ng paglilingkod ng mga nasa gobyerno ngayon.