Ni: Fer Taboy

Isang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay habang tatlong iba pa ang naaresto sa magkahiwalay na bakbakan sa Maguindanao.

Kinumpirma kahapon ni 6th Infantry Division Philippine Army spokesperson Capt. Arvin Encinas na isang miyembro ng BIFF ang napatay habang isang sundalo ang nasugatan sa engkuwentro sa Barangay Tukanalipao sa Mamasapano.

Ayon kay Encinas, nagsasagawa ng security operation ang tropa ng 40th Infantry Battalion nang nakasagupa ang nasa 20 armadong lalaki.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Nakasamsam din ng matataas na kalibre ng armas at sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IED) sa lugar ng bakbakan.

Sa bayan ng Datu Salibo, tatlong tauhan ni Kumander Abo Toraife ang naaresto ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) makaraang mamataang sakay sa bangka at armado ng matataas na kalibre ng baril.

Ayon sa Datu Salibo Municipal Police, nagpapatuloy pa rin ang bakbakan ng MILF at BIFF, at nasa 15 kasapi na ng MILF ang nasawi.