May 22, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Nabuhol ka rin ba o ikaw ang nagresolba sa larong 'Doktor Kwak Kwak?'

BALITAnaw: Nabuhol ka rin ba o ikaw ang nagresolba sa larong 'Doktor Kwak Kwak?'
Photo courtesy: via FTTM (FB)

"Doctor Kwak Kwak, tulungan mo kami!'

Naghatid ng nostalgia sa mga netizen ang post ng social media page na "Follow The Trend Movement (FTTM)" tungkol sa isang klasikong laro ng mga batang ‘90s—ang "Doktor Kwak Kwak."

Sa panahon ngayong halos mahilig ang kabataan sa gadgets at online games, ang pagbabalik ng ganitong uri ng tradisyunal na laro ay tila paalala ng mas payak ngunit makulay na pagkabata—tipong tawa, halakhakan, sigawan, at samahan ang puhunan, hindi internet connection.

Sa isang simpleng post, agad nitong napukaw ang damdamin ng maraming netizens na minsang naging bahagi ng masayang larong ito sa kanilang kabataan.

"Bahala na si kuromi," mababasa sa caption ng post.

BALITAnaw

BALITAnaw: Mga dati at kasalukuyang senador na minsan nang nakulong sa gitna ng kanilang termino

Makikita naman sa kalakip na art card ang ilang kabataang tila "nagkabuhol-buhol" sa pamamagitan ng mga braso nila. Sa text caption, mababasa ang "Doctor Kuromi tulungan mo po kami!"

Photo courtesy: via FTTM (FB)

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"ikaw galing mansyon (Doctor Kuromi) Ako galing kalye (Doktor kwak kwak)."

"Sosyal 'yung sa inyo, sa amin 'Doktor Kwak Kwak.'"

"Alam ko kwak-kwak 'yon eh."

"Nakakamiss! Elem. Days!"

"Hala, kamiss maglaro niyan."

"Dito talaga nahasa problem solving skills ko e."

"Nung panahon namin si Dr. Kwak-kwak pa. Siguro sa tagal ng panahon nag retire na sya napalitan na ni Dr. Kuromi."

Ano nga ba ang larong “Doctor Kwak Kwak”?

Ang Doctor Kwak Kwak ay isang larong pambatang kadalasang nilalaro sa labas—sa kalsada, bakuran, o kahit saan na may sapat na espasyo.

Simple lamang ang mekaniks nito, ngunit puno ng aliw at interaksyon.

Paano nga ba nilalaro ang Doctor Kwak Kwak? Simple lang. Una, para matukoy kung sino ang taya, magsasagawa muna ang lahat ng manlalaro ng “Maiba, taya!” hanggang sa maiwan ang isa—na siyang magiging “Doctor Kwak Kwak.”

Maaari din itong pagdesisyunan sa pamamagitan ng jack en poy o bato-bato pick. Pagkatapos, tatalikod sandali ang taya habang ang natitirang mga manlalaro ay maghahawak-hawak ng kamay at pagbubuhul-buhulin ang kanilang mga braso, binti, at katawan.

Kapag handa na, sabay-sabay silang sisigaw ng “Doctor Kwak Kwak! Tulungan mo kami!" bilang hudyat na maaari nang lumapit ang taya.

Lalapit ang “Doctor kwak Kwak" at sisikaping alisin ang pagkakabuhol ng grupo nang hindi pinaghihiwalay ang kapit ng mga kamay.

Kapag tuluyan nang naayos ang buhol, magtatakbuhan na ang mga manlalaro at hahabulin sila ng taya. Ang unang mahuhuli ang siyang magiging susunod na Doktor Kwak Kwak sa panibagong round.

Bakit ito tumatak sa maraming Pilipino?

Hindi lang basta laro ang Doctor Kwak Kwak—isa itong simbolo ng kolektibong karanasan ng kabataang Pilipino noon.

Sa larong ito, natutuhan ang halaga ng teamwork, bilis ng pag-iisip, at pakikisama. Higit sa lahat, nagsilbi itong tulay para sa pagkakaibigan at simpleng kasiyahan.

Bukod pa rito, nakakapagpalakas ng katawan at kalusugan ang larong ito dahil isa itong uri ng pisikal na aktibidad na sabay na gumagalaw ang iba’t ibang bahagi ng katawan.

Una, napapagalaw nito ang buong katawan—may pagtakbo, pagyuko, pag-ikot, at pag-unat habang binubuo at inaayos ang “buhol.” Dahil dito, napapalakas ang mga kalamnan at buto, at nagiging mas flexible ang katawan.

Ikalawa, napapabuti nito ang cardiovascular health. Sa paghahabulan at paggalaw, bumibilis ang tibok ng puso at daloy ng dugo, na mahalaga para sa mas malusog na puso at baga.

Ikatlo, nahahasa ang koordinasyon at balanse. Kailangan ng maayos na galaw at timing para makaiwas sa taya at para maayos ang pagkakabuhol nang hindi nagkakahiwalay ang mga kamay.

Ikaapat, nakakatulong ito sa mental at emosyonal na kalusugan. Dahil ito ay larong panlipunan, napapalakas ang samahan, nababawasan ang stress, at nadaragdagan ang saya—na mahalaga rin sa overall well-being.

At marahil, sa isang simpleng tawag ng “Doctor Kwak Kwak,” muling mabubuhay ang batang minsang tumawa, tumakbo, at nakipaglaro sa ilalim ng araw.