Ni: Reggee Bonoan
HINDI napahiya si Joshua Garcia sa pag-imbita sa kanyang Mommy ‘La sa The Greatest Love na si Sylvia Sanchez sa premiere night ng Love You To The Stars and Back. Pinaglaanan siya ng oras ng aktres kahit na may lakad ito at tinapos ang pelikula.
“Inimbita ko po talaga si Tita Sylvia, gusto kong mapanood niya,” sabi ni Joshua nang saglit naming makatsikahan sa cast party.
Tinext namin si Ibyang na sumagot ng, “Yes, nag-text kagabi, ‘katuwa,” sabi sa amin. At nang hingan namin ng reaksiyon: “Maganda, nagustuhan ko, umiyak ako, tumawa, kinilig at na-in-love. Galing ng dalawa, si Julia ang laki-laki na ng in-improve, ‘kakatuwa siya, galing! Si Joshua, for me siya na ang next big thing ng ABS (CBN) hintay lang, so-shoot-up pa ‘yan.”
Sundot namin, ‘Parang nakikita ko pa si John Lloyd Cruz sa kanya.’
“Pero hindi kagaya sa unang movie (Vince Kath & James) na kitang-kita, ngayon hindi ko na nakita ‘yung nakita ko sa una nilang movie. Gagaling pa si Josh, magkakaroon siya ng sarili niyang identity, maniwala ka,” sangga ni Ibyang.
Nag-post din si Sylvia sa social media ng kuha sa kanila habang mahigpit ang yakap niya kay Joshua na nilagyan ng caption na, “Tumawa, umiyak, kinilig at nainlove ako sa movie n’yo @garciajoshuae @juliabarretto
“Congratulations sa inyong lahat! Ang ganda ng movie at ang galing n’yo. Julia, ang laki-laki ng in-improve mo, ang galing mo bilang si Mika at nakakatuwa ka at Joshua sobra akong masaya para sa ’yo. Nangyayari na, apo ang pinag-usapan natin, nakita ko na nagkakaroon ka na ng sarili mong identity, tuloy mo ‘yan, apo ang galing-galing mo yahoooo.
“Kayo na ang bagong love team na magpapaiyak, magpapatawa, magpapakilig at magpapa-in love sa aming lahat (aminin n’yo, in love kayo sa isat isa, ‘no? Napaka-natural n’yong dalawa ha-ha-ha, masarap maging bagets ulit.
#loveyoutothestarsandback #starcinema #abscbn.”