Ni JIMI ESCALA
MULING gumagawa ng pelikula sina Piolo Pascual at Toni Gonzaga. Sa pictorial pa lang, pareho nang excited sina Piolo at Toni.
Big hit ang unang pelikulang pinagsamahan ng dalawa, ang Starting All Over Again (2015).
Romantic-comedy uli ang balik-tambalan nina Toni at Piolo. Pagkabasa pa lang daw ng script ay pareho ng hindi na nagdalawang-isip ang dalawa para gawin ang bagong Star Cinema na may titulong Last Night.
Ayon kay Piolo, naiiba ang Last Night kumpara sa mga nagawa na niyang pelikula. Wala na raw ‘yung medyo pa-sweet sa mga eksenang gagawin nila.
Si Piolo na rin ang nagbanggit na mas daring si Toni sa pelikula. Ibig sabihin, mas mature na ang atake ng aktres sa bawat eksena nila.
Nagkasundo raw sila ni Toni na dapat ay mas maging malapit sa realidad ang Last Night na nakatakdang ipalabas sa September.
Puring-puri ni Papa P ang script ng bagong pelikula nila ni Toni na ayon sa source namin ay si Bela Padilla ang sumulat.
Sa sobrang ganda ng istorya, pagkatapos mabasa ni Piolo ay kinulit niya nang kinulit si Toni na gawin na agad nila ang pelikula.
Siyempre, happy rin si Piolo na ang kaibigan niyang si Direk Joyce Bernal ang hahawak ng pelikula nilang ito.