Ni: Mary Ann Santiago
Namatay sa pagkalunod ang isang 14-anyos na lalaki nang maligo sa Ilog Pasig na sakop ng Binondo, Maynila kamakalawa.
Hindi na humihinga si Dave Deo Sabaybayan, ng Area B, Gate 16, Parola Compound, sa Binondo, nang maiahon mula sa ilog.
Sa ulat ni PO3 Roderick Magpale, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang aksidente bandang 5:20 ng hapon.
Sa salaysay sa pulisya ng ama ng biktima na si Dewey, 41, nagpaalam si Dave na maliligo sa ilog kasama ang kanyang mga kaibigan.
Gayunman, dahil sa lakas ng agos ng tubig ay inanod ang biktima sa malalim na bahagi ng tubig at tuluyang nalunod.