Ni Marivic Awitan
BATUHAN ng akusasyon ang nagaganap ngayon matapos ang nangyaring labu -labo nitong Biyernes ng hapon sa laban ng mga UAAP teams Far Eastern University at De La Salle sa torneong bahagi ng pagdiriwang ng Davao City ng Kadayawan Festival.
Nag-post ng isang litrato si FEU assistant coach Ryan Betia ng manlalaro nilang si Arvin Tolentino na nagpapakita ng pasa at galos sa leeg ng huli na sinasabing sanhi ng tangkang pagsakal ng La Salle coach Aldin Ayo kay Tolentino.
Habang sinisikap ng mga organizers at mga game officials at venue security sa Almendras gym na mapayapa ang magkabilang panig ay nagkunwari naman umanong umaawat si Ayo.
Suportado ang nasabing litrato ni Betia ng video na nagpapakita ng ginawa ni Ayo ng pumutok ang gulo 20 segundo na lamang ang nalalabi sa third canto lamang ang FEU, 73-59 sa third canto ng laro na pumuwersa sa organizers na itigil nalamang ang laro.
Nagsimula ang komosyon nang banggain ni La Salle guard Kib Montalbo si Ken Tuffin ng FEU.
Kapwa hindi pa nagbibigay ng komento ang coaches ng magkabilang koponan na sina Olsen Racela ng FEU at si Ayo.. .
Wala namang patid ang komento at banat sa FEU ng mga supporters ng La Salle sa social media partikular kay Ron Dennison na bumalik pa umano ng court at sinapak si Montalbo gayong nauna na itong na eject sa laro.
Dahil sa nangyaring gulo, tuluyan ng sinuspinde ng organizers ang mga manlalaro ng magkabilang koponan.na naging dahilan upang ang University of Santo Tomas at Davao collegiate selection ang naglaban sa finals na nilaro kahapon.