Ni: Kate Louise B. Javier
Dalawang baril at mahigit P18,000 halaga ng pera at gamit ang tinangay ng hindi pa nakikilalang suspek mula sa dalawang pulis sa loob ng nirerentahan nilang bahay sa Caloocan City, nitong Martes ng gabi.
Kinilala ni Senior Police Officer 2 Allan P. Budios ang mga nagreklamo na sina PO1 Jeremy Turuel, 24, at PO1 Jovanni Galiza, 29, kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 6.
Ayon kina Turuel at Galiza, sa kanilang pag-uwi ay nadiskubre nilang sapilitang binuksan ang pinto ng inuupahan nilang bahay sa Barangay 170, Deparo, Caloocan, dakong 9:00 ng gabi.
Base sa imbestigasyon, dumalo ang mga pulis sa Basic Internal Security Operation Course (BISOC) sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Taguig City nang mangyari ang insidente.
Kinuha ng suspek ang dalawang caliber .9mm pistol nina Turuel at Galiza, cash na P15, 000 at isang wrist watch.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang awtoridad upang matukoy ang nasa likod ng pagnanakaw.