Ni: Celo Lagmay

MAKARAANG gimbalin ng bird flu ang San Luis, Pampanga, ginulantang naman ng nasabing karamdaman ang Nueva Ecija. Dalawang bayan sa aming lalawigan—Jaen at San Isidro—ang mistulang nilukuban ng naturang sakit ng mga manok, itik at pugo.

Sino ang hindi mangingilabot sa panganib na nilikha ng bird flu? Isipin lamang na bukod sa ito ay maaaring magbigay-panganib sa ating buhay, nangangahulugan pa ito ng pagkalumpo ng poultry industry sa buong kapuluan; milyun-milyong manok, itik at pugo ang hindi malayong pagpapatayin upang hindi mahawahan ang iba pa nating mga alaga.

Kabilang na rito ang mga manukan sa aming bayan sa Zaragoza, ilang kilometro lamang ang layo sa nabanggit na mga bayan sa aming probinsiya na kasalukuyang apektado ng avian flu virus. Mabuti na lamang at naging maagap ang aming punong lalawigan na si Gob. Czarina ‘Cherry’ Umali; kagyat niyang idineklara, batay sa isang ulat, ang state of calamity sa naturang mga bayan upang mahadlangan ang paglaganap ng naturang sakit sa mga karatig-bayan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Napag-alaman ko na kaakibat ito ng pagpapalabas ng Gobernador ng mga tagubilin sa kinauukulang mga opisyal ng naturang apektadong mga bayan na makipagtulungan upang maiwasan ang mga panganib na maaaring ibunsod ng naturang sakit. Makabuluhang sundin ang mga instruksiyon ng Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI); ang naturang ahensiya ang may sapat na kaalaman o expertise sa pagsusuri ng bird flu.

Tulad ng pamunuan ng Pampanga, ikinagalak din ng administrasyon ng aming lalawigan ang suporta ng DA sa pagkakaloob ng financial assistance sa mga poultry raiser na dinapurak, wika nga, ng bird flu; libu-libo kundi man milyun-milyong manok, itik at pugo ang kailangang patayin upang ito nga ay hindi na makahawa sa ibang mga alaga. Maaaring maliit lamang ang nasabing ayuda subalit naniniwala ako na ito ay makatutulong kahit paano... sa gastos ng mga namumuhunan.

May katuwiran, kung sabagay, na umalma ang ilang poultry raisers. Hindi sila naniniwala na gayon kalubha ang bird flu upang pagpapatayin ang kanilang mga manok; upang sila ay pagbawalang ibiyahe ang kanilang mga alaga upang maibenta sa ibang lugar at may mga haka-haka pa sila na ang ganitong paghihigpit ay naglalayong bigyang-daan ang pag-aangkat ng poultry products.

Ang ganitong mga sapantaha ay dagli namang pinawi ni NE provincial administrator Atty. Alejandro Abesamis. Sa isang pakikipanayam, tandisan niyang sinabi na marapat lamang sundin at igalang ang pahayag ng mga dalubhasa o expertise sa bird flu; higit sa lahat, sila ang nakakaalam sa panganib na ibubunga ng naturang sakit — ang salot na gumulantang sa aming lalawigan.