Ni: Genalyn D. Kabiling
Dapat na imbestigahan ang pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos sa halip na haluan ng pulitika para sa sariling interes ng ilang pulitiko, ayon sa Palasyo.
Sa gitna ng matinding galit ng publiko sa pamamaslang sa 17-anyos na Grade 11 student kaugnay ng kampanya ng gobyerno kontra droga, nanawagan si Presidential Communications Assistant Secretary Margaux Uson na tigilan na ang aniya’y pamumulitika sa insidente.
“Tayo rin po ay humihiling na maimbestigahan ang pagkamatay ni Kian, ngunit kasabay po nito ay sana hindi naman magamit ang pangyayaring ito para sa pansariling laban ng ilang mga pulitiko,” saad sa post niya sa Facebook. “Stop politicizing.”
Binanggit ni Uson na isa si Senator Risa Hontiveros sa mga opisyal na aniya’y pinupulitika ang pagkamatay ni delos Santos, na tinawag niyang propaganda laban sa gobyerno.
“Dapat imbestigahan ang pangyayari kay KIAN. Ngunit ‘wag naman sanang gamitin ito sa sariling pang interest tulad ng ginagawa ni HONTIVEROS,” aniya. “Muling ginagamit ng ilan ang emotion ng tao upang makakuha ng simpatiya sa taumbayan. Buti na lang at may utak na ang mga Pilipino at hindi na papaloko muli sa mga ganitong propaganda.”