Nina Alexandria Dennise San Juan at Jun Fabon
Pinagbabaril hanggang mamatay ang isang pulis, sinasabing sangkot sa illegal drug trade, na naka-absent without leave (AWOL) at nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) sa harap mismo ng kanyang bahay nitong Sabado.
Kinilala ng mga imbestigador ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit ang napatay na si PO1 Alfred Tindoc, 53, na huling itinalaga sa Administrative Holding Section ng QCPD, ay naka-AWOL simula pa noong Oktubre 3, 2016.
Bago ang insidente na nasaksihan mismo ng anak ng biktima, nakaupo si Tindoc sa labas ng kanilang bahay sa Dolar corner Won Street, Barangay North Fairview nang sumulpot ang suspek, nakasuot ng asul na t-shirt at maong na pantalon, at binaril ang biktima, bandang 11:30 ng umaga.
Nagawang makatakbo ni Tindoc sa likod ng kanilang bahay ngunit sinundan siya ng suspek at paulit-ulit binaril hanggang sa siya ay malagutan ng hininga.
Samantala, humarurot naman ang suspek, sakay sa asul na motorsiklo, patungong Novaliches.
Napag-alaman na si Tindoc at kanyang misis ay minsan nang pinasuko sa Oplan Tokhang at ang kanilang bahay ay nagsisilbi umanong drug den, ayon sa kanilang mga kapitbahay.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang awtoridad.