Ni: Jun Fabon
Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lahat ng regional offices, line bureaus at attached agencies nito na maging alerto laban sa bagong phone scam na ang target ay mga empleyado ng kagawaran.
Nabatid kay Environment Secretary Roy A. Cimatu na may sindikato na ang target ay ang DENR workers sa pamamagitan ng phone scammers na nagpapakilalang mga senior executive ng ahensiya para makakolekta ng pera para umano sa charity.
Inilabas ng kalihim ang pahayag makaraang makatanggap ng tawag ang Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) ng Marinduque mula raw kay dating DENR Undersecretary Demetrio Ignacio.
Ayon kay PENRO Imelda Diaz, na siyang nakatanggap ng tawag mula sa nagpakilalang si Usec. Ignacio, humihingi ito ng donasyong nagkakahalaga ng P60,000 para sa mga biktima ng magnitude 6.7 earthquake sa Surigao del Norte noong Pebrero.
Aniya, sinabi ng caller na ipadala ang donasyon sa isang church-based non-government organization sa Quezon City via remittance service center sa bayan ng Boac.
Hindi natuloy ang transaksiyon dahil tinawagan ni Diaz si Ignacio para klaruhin kung totoo nga bang humihingi ito ng donasyon kaya nalaman na ginamit lamang ang pangalan ng opisyal para makahingi ng pera.
Ang ganitong insidente ay nangyari rin umano sa Mimaropa region at sa Palawan DENR pero walang nakuhang pera dahil tinatawagan muna ang mga taong ginamit ng sindikato para kumpirmahin ang katotohanan sa hinihinging donasyon.