July 26, 2026

Home BALITA

Mga perang dala ni FPRRD noong siya ay naaresto, pina-freeze ng ICC

Mga perang dala ni FPRRD noong siya ay naaresto, pina-freeze ng ICC
Photo courtesy: via ICC

Inaprubahan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang kahilingan ng prosecution na i-freeze ang perang nasamsam kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang arestuhin at dalhin sa kustodiya ng international tribunal noong Marso 2025.

Batay sa mga dokumentong isinapubliko noong Biyernes, Hunyo 27, 2026, pinaboran ng korte ang mosyon ng prosecution na panatilihing naka-freeze ang anumang halaga ng perang nakuha mula kay Duterte sa panahon ng kaniyang pagkaaresto.

Nauna nang kinuwestiyon ng kampo ng dating pangulo ang naturang hakbang at iginiit na hindi na ito kinakailangan dahil nasa pangangalaga na ng ICC Registry ang nasabing pera.

Ayon sa depensa, “Will have no practical impact upon the existing state of affairs,” ang kahilingan ng prosekusyon dahil hawak na rin naman ito ng tribunal.

Hindi pa rin ibinunyag kung magkano ang perang nasamsam mula kay Duterte nang siya ay arestuhin.

National

Sen Alan, tinalakang 'ang ingay, dakdak nang dakdak' sa FB live niya

Samantala, humihiling din ang prosekusyon na mabigyan ng access ang iba pang mga bagay na nakuha mula sa dating pangulo sa panahon ng kaniyang pag-aresto.

Bagama't hindi tumututol ang depensa sa inspeksyon ng ilan sa mga nasamsam na kagamitan, hiniling ng abogado ni Duterte na si Peter Haynes sa mga hukom na huwag pahintulutan ang prosecution na suriin ang mga susi na kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC Registry.

Sa isinumiteng argumento ng depensa, sinabi nitong, “The request is, in substance, a fishing expedition. The prosecution advances no evidential basis connecting the keys either to the commission or furtherance of the alleged crimes or to any assets that may be relevant to the investigation.”

Idinagdag pa ng depensa na, “The basis of such a request must exist before the investigation is undertaken, not emerge as a result thereof. The prosecution cannot be permitted to examine the keys in order to articulate, post facto, the evidential foundation required to justify that examination in the first place.”

Hiling din ng kampo ni Duterte na kung papayagang siyasatin ang iba pang mga nasamsam na gamit, tiyakin ng prosekusyon na mapoprotektahan ang mga personal na impormasyon ng dating pangulo at ng kaniyang pamilya na walang kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon.

Patuloy na isinasagawa ng ICC ang mga kaugnay na proseso kaugnay ng kasong crimes against humanity na kinahaharap ng dating pangulo.