Ni: Anna Liza Villas-Alavaren

Sinuportahan ng mga opisyal ng transportasyon ang inagurasyon ng Metro Manila Eastern Multi Modal Transport Terminal (MMEMMTT) sa Marikina City sa layuning mabawasan ng mahigit 1,000 ang mga pampasaherong bus na bumibiyahe sa EDSA.

“The establishment of the terminal is just one of the baskets of solutions to decongest EDSA,” sabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa ocular inspection kahapon sa nasabing terminal.

Ang apat na ektaryang terminal na matatagpuan sa kalsadang nag-uugnay sa Marcos Highway at C5 road ang tatanggap ng mga bus, taxi, jeep, at UV Express sa nasabing ruta.

National

Zaldy Co, pumalag sa bintang ni VP Sara: 'Pambubudol na naman po 'yan!'

Dumalo rin sa inspeksiyon sina Marikina Rep. Bayani Fernando, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, Transportation Undersecretary Tim Orbos, at DOTr Undersecretary for Land Transport Mark de Leon.

Ayon kay Lim, sa C5 road dadaan ang mga bus na galing sa timog, sa Katipunan Avenue at Mindanao Avenue ang daan ng mga bus mula sa hilaga sa halip na sa EDSA, at sa Marcos Highway naman ang mga bus na papuntang Quezon.

Sa ngayon, ang nasabing terminal ay pinaparadahan ng apat na bus company na nagsasakay ng nasa 2,000 pasahero kada araw na bumibiyahe papuntang Antique, Catiklan, Iloilo, at Mindoro Occidental at Oriental.

Mayroong 7,736 na bus sa Metro Manila, 5,300 sa mga ito ay bumibiyahe sa loob ng Metro Manila at ang iba ay biyaheng probinsiya.