Hinikayat ng mga opisyal ng gobyerno sa ilalim ng human development cluster nitong Sabado ang publiko na lumahok sa mga programa at serbisyo sa edukasyon, kalusugan at pampublikong proteksyion na magdudulot ng positibong pagbabago at pag-unlad ng buhay, partikular ng mahihirap.
“Ang pagbabago ay ginagawa at ikinikilos,” saad ni Assistant Secretary Jonas Soriano ng Office of the Cabinet Secretary sa Inter-Agency Serbisyo Caravan na ginanap sa Commonwealth Elementary School kamakalawa.
Ani Soriano, napapanahon na para magkaisa at makialam ang publiko sa pag-abot sa mga pagbabagong nais at minimithi ng gobyerno.
“Tungkulin ho ng estado na lumaya ang mamamayan sa kahirapan sa pamamagitan ng serbisyong panlipunan,” lahad naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy M. Taguiwalo nang sabihin nito na nakasaad sa 1987 constitution na kailangang iangat ng estado ang pantay at daynamikong pagsasaayos ng lipunan, upang masiguro ang kasaganaan at kakayahang mapagkaisa ng bansa at ng malalayang mamamayan sa pamamagitan ng mga patakarang magbibigay ng sapat na serbisyong panlipunan, paglikha ng maayos na trabaho, pag-angat ng estado ng pamumuhay at mas maginhawang pamumuhay ng lahat ng tao.
Sinabi ni Taguiwalo, mula sa mungkahi ni DSWD Assistant Secretary Aleli Bawagan, na sa halip na isagawa ang mga naturang aktibidad sa mga mamahaling hotel, ang nasabing mga serbisyo ay mas nararapat na direktang gawin sa mga tao sa pamamagitan ng pagdaraos sa mga townhall.
Pagtutuunan sa mga isasagawang caravan ang pagdadala ng kabuhayan, trabaho, at iba pang mga pangunahing serbisyong ipagkakaloob sa mahihirap sa ilalim ng Kilos Sambayanan. Ito ay sa pamamagitan ng pagkonsulta sa publiko sa pamumuno ng National Anti-Poverty Commision sa National Anti-Poverty Summit nito ng nakaraang taon. - PNA