Ni FER TABOY
Matapang na hinarap ng pitong pulis ang reklamong pangongotong sa kusang-loob na pagsuko sa Philippine National Police (PNP) kamakalawa.
Kinumpirma ni Senior Supt. Jose Chiquito Malayo, director ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF), na sumuko na ang pitong tauhan ng Navotas Police Station (NPS) na pawang nahaharap sa reklamo ng pangongotong ng P100,000 sa pamilya ng kanilang inaresto.
Ayon kay Malayo, sumuko sa mismong hepe ng NPS sina PO1 Alojacin, Emmanuel Benedict Gernato; PO1 Mones, Mark Ryan Bernales; PO2 Barcaboc, Jonnel Valencia; PO3 Loria, Kenneth Baure; PO1 Bondoc, Christian Paul Ramos; PO1 Etcubanas, Jack Rennert Nodalo; at PO2 Pacinio, Jessrald Zapar, dakong 6:30 ng gabi noong Sabado.
Nag-ugat ang reklamo matapos hulihin ng mga nagpakilalang pulis si Mark Echepare dahil sa umano’y paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pamamagitan ng telepono, nakipagnegosasyon ang mga pulis sa magulang ni Echepare at hiningan ng P100,000 kapalit ng paglaya ng biktima.
Itinurn-over ng Northern Police District Office (NPDO) ang pitong pulis sa CITF sa Camp Crame at nakatakdang sampahan ng kaso.