Ni: Alexandria Dennise San Juan

Sinaksak hanggang mamatay ang isang tricycle driver ng kapwa niya driver matapos magtalo sa paradahan sa Barangay Tatalon, Quezon City, nitong Huwebes ng hatinggabi.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Blanco, 38, na namatay sa mga tinamong saksak sa katawan bago nakarating sa ospital.

Base sa inisyal na imbestigasyon, isa pang tricycle driver, na nagparada ng kanyang sasakyan sa kalsada, ang nakakita kina Darwin Flores at Abeng Flores na armado ng blade at paulit-ulit na sinaksak si Blanco na noong oras na iyon ay abala sa paglilinis ng kanyang tricycle.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Sa pag-atake, iniulat na paulit-ulit sumigaw si Abeng ng, “Patay ka ngayon Edwin!” bago tumakas sa pinangyarihan kasama si Darwin, at ang kanilang lookout na si Amman Flores.

Bago ang insidente, sinabihan ni Blanco si Abeng na huwag maging suwapang sa pasahero at sumunod sa mga alituntunin ng kanilang samahan dahilan upang mabuwisit ang huli at plinano ang pag-atake kasama ang kanyang mga kapatid.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente kasabay ng pagtugis sa magkakapatid na suspek.