WALANG dapat ikabahala ang sambayanan, makakalaro si Alaska star Calvin Abueva sa laban ng Gilas Pilipinas kontra Iraq Biyernes ng gabi sa FIBA Asia Cup qualifying group sa Beirut, Lebanon.

abueva copy

Dalawang minuto lamang ang itinagal ng volatile forward nang patawan ng disqualifying foul nang gantihan ng head-butt ang tumulak sa kanya na si Li Gen sa isang rebound play.

Ikinagulat ng coaching staff ang kaganapan, ngunit umani ng papuri ang katapangan na ipinamalas ni Abueva laban sa maruming laro ng Chinese forward.

Trending

Mag-jowa naghiwalay na, na-engage na sa iba pero MRT-7 hindi pa rin daw tapos

Awtomatikong napatalsik sa laro si Abueva may 2:27 ang nalalabi sa unang period.

Ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Sonny Barrios walang awtomatikong suspensiyon sa probisyon ng tournament rules sa disqualifying foul.

“Malinaw ang ruling, walang auto suspension sa Fiba. Makakalaro si Calvin (Abueva),” paniniguro ni Barrios, naging commissioner din ng PBA.

Ang pagkawala ni Abueva ay tila nagpatatag sa Gilas na nakipagsabayan ng 96-87, panalo laban sa defending champion.

Hataw si Terrence Romeo sa natipang 26 puntos, tampok ang walo sa krusyal na sandali para tuldukan ang paghahabol ng China mula sa 17 puntos na agwat.

Kapwa tumipa ng krusyal na puntos sina Fil-German Christian Standhardinger at Fil-Am Matthew Wright para tuldukan ang huling 12 puntos ng Gilas at makabawi sa kabiguang natamo sa Mainland noong 2015 FIBA Asia finals sa Changsha.

Sunod na haharapin ng Team Philippines ang Iraq Biyernes ng 9:00 ng gabi. Huling laro sa Pool B ng Gilas ang Qatar.

Kung sakaling mawalis ng Pilipinas ang pool stage, nakatakda nilang harapin ang powerhouse Australia sa unang aspeto ng playoff.

Iskor:

Philippines (96) -- Romeo 26, Standhardinger 15, Castro 13, Wright 12, Pogoy 9, Almazan 9, Aguilar 7, Norwood 3, Abueva 2, Cruz 0, Jalalon 0

China (87) – Guo 18, Zhou 17, Hu 13, Li 11, Liu 9, Wu 6, Ren 4, Han 4, Gu 3, Yu 2, Zeng 0

Quarterscores: 26-16, 53-39, 76-70, 96-87