NI: Lyka Manalo
BATANGAS CITY - Sugatan ang isang kolumnista at driver nito makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa Batangas City, nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Crisenciano “Cris” Ibon, 65, kolumnista ng diyaryong Police Files Tonite at dating reporter ng People's Journal.
Sugatan din ang driver ni Ibon na si Gerry Ebreo, 42, ng Barangay Kumintang Ibaba sa lungsod.
Ayon kay Supt. Norberto Delmas, hepe ng Batangas City Police, nanonood ng telebisyon ang mga biktima sa bahay ng isang Rose Mary Mendoza sa Bgy. Kumintang Ilaya nang pagbabarilin.
Tinamaan ng bala sa kanang balikat si Ibon, habang sa braso naman nabaril si Ebreo.
Pinaghahanap pa ang suspek habang inaalam ang motibo sa krimen.