Ni: Francis T. Wakefield
Dalawang sundalo at limang pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay matapos ang engkuwentro ng magkabilang panig sa Sulu, kahapon ng umaga.
Ayon kay Joint Task Force Sulu commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, nangyari ang bakbakan sa Sitio Langhub, Barangay Pang, Kalingalan Caluang, Sulu, bandang 4:00 ng umaga kahapon.
Ayon kay Sobejana, nagsasagawa ang Marine troopers ng security at rescue operations laban sa mga bumihag sa 23 sa Sulu, nang makaengkuwentro ang nasa 30 armadong rebelde.
Tumagal ng 30 minuto ang labanan, hanggang sa tumakas ang Abu Sayyaf sa iba’t ibang direksiyon.
Ayon pa kay Sobejana, bukod sa dalawang napatay na sundalo na hindi pa pinapangalanan, isa pang sundalo ang nasugatan sa insidente.
Nakumpiska rin umano ang ilang matataas na kalibre ng baril mula sa mga terorista kabilang ang dalawang M16, isang M14, at isang Garand rifles, isang KG-9 sub machine gun, isang Baret rifle, at isang shotgun.