Ni: Alexandria Dennise San Juan
Isang lalaki na may espesyal na pangangailangan ang binaril at pinatay ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Commonwealth, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Jerome Dollante, imbestigador, ang biktima na si Jun-jun Gadia, 23, na agad nasawi sa tinamong mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng ina ni Gadia na namamasukang helper ang biktima sa isang terminal ng tricycle upang kumita.
Sa salaysay ng saksing si Francis Jacob, tricycle driver, nag-aabang siya ng pasahero sa Commonwealth Toda terminal sa Pilot Drive, malapit sa Pinadama Street, nang marinig ang sunud-sunod na putok ng baril sa lugar dahilan upang siya ay lumayo.
Sa pagbalik sa lugar, nakita umano ni Jacob ang duguang bangkay ni Gadia na nakabulagta sa semento.
Ilang basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan.
Dinala ang labi ni Gadia sa PNP Crime Laboratory para i-autopsy habang hinihintay ang CCTV footages sa lugar upang makilala ang mga suspek.