GINAPI ni Pinay Grandmaster Janelle Mae Frayna si Dutch International Master Koen Leenhouts sa ika-44 sulong ng English Opening para makisosyo sa liderato matapos ang limang round nitong Martes (Miyerkules sa Manila) sa 21st Hogeschool Zeeland Open sa Vlissingenm, Netherlands.

Kaagad na umatake ang 21-anyos na si Frayna at nakipagpalitan ng piyesa para maisulong ang kanyang taktika at hindi nagkamali ang Pinay sa kanyang plano para makuha ang panalo at makisosyo sa liderato tangan ang 4.5 puntos kasama si Russian GM Landa Konstantin, na nakatakdang makaharap ng Pinay sa ikaanim na round.

Nasa liderato rin sina Venezuelan GM Eduard Iturrizaga Bonelli, Dutch GMs Benjamin Bok, Jorden Van Foreest at Roeland Pruijjsers, at Indian IM R Praggnanandhaa.

Nagwagi rin si Frayna kina Bas Roelen, Gert Van Rij, Nico Swins at tumabla kay IM Lucas Van Foreest.

Pambansang Kamao Manny Pacquiao, nag-senti? Ilang netizens, todo-comfort!

Samantala, tumapos sa ikalawang puwesto GM Darwin Laylo, coach at trainer ni Frayna, sa likod nina Indonesian FIDE Master Rudin Hamdani sa FIDE International Chess Tournament Jaksa Agung Cup sa Indonesia.

Naungusan ni Laylo si GM Susanto Megaranto sa final round para makopo ang ikasiyam na puntos sa 11-round Swiss System, kalahating puntos ang layo kay Hamdani.

Galing si Frayna, suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), sa matikas na 13th puwesto sa Women’s International Open sa Erfurt, Germany.