Ni: Mary Ann Santiago, Bella Gamotea, at Beth Camia

Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na sinampahan niya ng mga kasong kriminal ang asawang si Patricia Paz Bautista sa Taguig City Prosecutor’s Office kasunod ng akusasyon nito na nagkamal siya ng P1-bilyon ill-gotten wealth.

Ginawa ni Bautista ang kumpirmasyon habang papalabas kahapon sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City, sa pagsisimula ng pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin para sa Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Ayon kay Bautista, kasama niya ang kanyang pamilya nang isampa niya ang mga kasong grave coercion, qualified theft, robbery at extortion laban kay Patricia sa piskalya ng Taguig nitong Martes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We already filed a case. We did file a case. We filed a case for grave coercion, for qualified theft and robbery and also for extortion which is in the form of grave threats and light threats,” sinabi ni Bautista sa isang panayam sa telebisyon.

Muling nanindigan ang Comelec chairman na ang ginagawa ng kanyang asawa ay bahagi lang ng pangingikil at panggigipit nito sa kanya.

Umapela rin si Bautista sa media na huwag masyadong bigyan ng atensiyon ang personal na away nila ng asawa para sa kapakanan ng kanilang mga anak.

Sinabi rin niyang natukoy na ng kanyang kampo ang “political forces” na nasa likod ng desisyon ni Patricia na isapubliko ang kanilang sigalot.

Samantala, kasama sa iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga posibleng anomalya sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) na dating pinamunuan ni Bautista.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, bukod sa posibleng pagkakaroon ng nakaw na yaman, sinisiyasat din ang posibilidad na nalabag ang Anti-Money Laundering Act at Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa mga alegasyon laban kay Bautista.

Maaari ring gamiting ebidensiya sa posibleng impeachment trial laban kay Bautista ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI, ayon kay Aguirre.

Paliwanag ni Aguirre, dahil may immunity from lawsuit si Bautista, hindi maaaring kasuhan sa korte ang opisyal.

Nangangahulugang upang maipursige ang kasong kriminal sa korte ay kakailanganin munang bumaba sa puwesto o ma-impeach si Bautista.