Ni: Mary Ann Santiago

Tuloy ngayong araw ang pag-iimprenta ng mga balota ng Commission on Elections (Comelec) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ito ay sa kabila ng posibilidad na muling maudlot ang naturang halalan, na nakatakda sa Oktubre 23.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, tuloy ang pag-iimprenta ng mga inisyal na balota simula ngayong Miyerkules, upang hindi malagay sa alanganin ang ahensiya sakaling matuloy ang eleksiyon.

FL Liza, mga anak nagpaabot ng pagbati kay PBBM sa Father’s Day

“Wala kaming choice, baka hindi sila magkasundo at manatili ang batas na nagtatakda sa halalan sa Oktubre ngayong taon at kami ang sisihin kung ano ang mangyari,” sabi ni Bautista.

Una nang ipinahayag ng Comelec na hindi muna itotodo ang pag-iimprenta habang inaantabayanan ang pinal na desisyon ng Senado at Kongreso.

Hindi rin muna kasama, ayon sa Comelec, sa pag-iimprenta ang mga balota para sa Mindanao, dahil pinag-aaralan pa ng Comelec en banc ang posibilidad na maipagpaliban ang eleksiyon sa rehiyon.