MAY pitong bansa sa mundo ang nagkakaloob ng libreng kolehiyo—ang Brazil, Germany, Finland, France, Norway, Slovenia, at Sweden. Sa pagpapatibay sa Free Universal Access to Quality Tertiary Education Act o RA 10931 nitong Huwebes, kahilera na ngayon ng Pilipinas ang mga bansang ito.

Inaprubahan ng Kongreso ang panukala noong Mayo. Nilagdaan ito ni Pangulong Duterte bilang batas nitong Huwebes ng gabi, matapos ang malawakang talakayan at pakikipagdebate sa mga economic manager ng administrasyon na ang tungkulin ngayon ay maghagilap ng kinakailangang pondo sa pagpapatupad ng batas.

Bago napagtibay ang RA 10931, libre ang edukasyon sa Pilipinas hanggang sa high school lamang, gaya sa maraming bansa, kabilang ang Amerika. Gayunman, sa nakalipas na mga taon ay palaki nang palaki ang pagkakaiba ng mayayaman at mahihirap sa bansa na ang malaking bahagi ay dahil sa pagkakaiba ng oportunidad nila sa edukasyon.

Kaya naman umani ng papuri ang pagsasabatas sa RA 10931 mula sa maraming opisyal ng bansa na matagal nang iginigiit ang pagresolba ng gobyerno sa pinaniniwalaang pinakamalaking suliranin ng bansa—ang malawakang kahirapan.

Determinadong inaksiyunan ng bagong administrasyon ang mga problema sa kapayapaan at kaayusan, pambansang seguridad, krimen at droga, at pandaigdigang ugnayan. Ang malawakang programang pang-imprastruktura ay inaasahang maglulunsad ng isang programa sa trabaho na aani ng benepisyong pinansiyal para sa mamamayan. Ang batas para sa libreng kolehiyo ay totoong isang pangmatagalang programa ngunit magiging napakalaki ng epekto nito sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa at ng mamamayan nito.

Nahaharap ngayon ang administrasyon sa problema ng paghahanap ng pondo upang maisakatuparan ang bagong batas sa libreng edukasyon sa kolehiyo. Tinaya ni Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, chairman ng House Committee on Appropriations, sa P7 bilyon hanggang P16 bilyon ang kakailanganing pondo. Sa Senado, sinabi ni Senator Francis Escudero na P14 bilyon ang ilalaan para sa state universities and colleges (SUCs) at P1 bilyon naman para sa local universities and colleges (LUCs).

Tinaya ng Commission on Higher Education (CHED) sa P16 bilyon ang kakailanganin sa pagpapatupad ng batas—libreng martikula at iba pang bayarin sa eskuwela. Nasa P100 bilyon naman ang kabuuang taya ng mga economic manager ng administrasyon, ngunit sinabi ni Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na masyadong mataas ang pagtayang ito na ibinatay lamang sa paniwalang dapat na kaagad at sabay-sabay na ipatupad ang lahat ng aspeto ng batas.

Ngayong pirmado na ang batas, sinabi ni Guevara na hindi na dapat pang pagtalunan ang tungkol sa pondong gagamitin dito. “All we need to do now is to unite and coordinate all our efforts to find the solution to the most important problem confronting the program, the budgetary allocation,” aniya.

Ang malaking tungkulin na ito ay nakaatang na ngayon sa mga kasapi ng Kongreso na kasalukuyang hinihimay ang panukalang Pambansang Budget para sa 2018. Tiwala tayong makasusumpong sila ng paraan upang maisakatuparan ang mahalagang adhikaing ito.