LONDON (AP) – Pumailanlang ang pamilyar na awiting ‘Jamming’ ni Bob Marley. Isang hudyat para sa pagdiriwang ng Jamaica.
Walang Usain Bolt sa gitna ng track oval at ang sentro ng pagsasaya ay ang tagumpay ni Omar Mcleod sa men’s 110-meter hurdle sa World Championship nitong Lunes (Martes sa Manila) dito.
Tinanghal ang 23-anyos na unang atleta na nagbigay ng gintong medalya sa Jamaica matapos ang hindi inaasahang bronze medal finish ng pamosong anak na si Bolt sa 100-meter, gayundin ang kabiguan ni Elaine Thompson sa distaff side.
“I took it upon myself to reroute that and bring that spark back. I’m happy I did that,” pahayag ni McLeod, gold winner din sa event sa Rio Olympics.
Naitala ni McLeod ang bilis na 13.04 segundo para gapiin ang mga karibal kabilang si world-record holder American Aries Merritt na tumapos lamang sa nakadidismayang ikalimang puwesto.
Ito ang unang pagkakataon na hindi nakasampa sa podium ng 110-m hurdles event ang U.S mula noong 1983.
“Everyone in the hurdling game is hurdling well,” pahayag ni Merritt, sumabak sa unang pagkakataon mula nang sumailalim sa kidney transplant noong 2015. “The event is much deeper than it has been in a long time.”
Bumuntot kay Mcleod si Sergey Shubenkov ng Russia may .1 segundo ang distansiya.