Ni: Marivic Awitin

HINDI pa tapos ang laban.

Pinatunayan ng Balipure at defending champion Pocari Sweat na hindi basta-basta bibigay ang kanilang hanay matapos maitala ang magkahiwalay na panalo para maipuwersa ang ‘sudden death’ sa kani-kanilang semifinal duel nitong Linggo sa Premier Volleyball League (PVL) Open sa The Arena sa San Juan.

volleyball copy

Kahayupan (Pets)

Libreng kapon sa mga pusang 'Maris' at 'Anthony' ang pangalan, handog ng isang veterinarian

Binawian ng Water Defenders ang Creamline Cool Smashers, 25-19, 19-25, 25-16, 18-25, 15-13, sa Game 2 para mahila ang best-of-three series sa hangganan.

Ratsada si Aiko Urdas sa natipang 19 puntos, habang kumana si Jerrili Malabanan ng 15 at nag-ambag si Grethcel Soltones ng all-around performance na 12 puntos, 11 digs at 20 excellent receptions para sa Water Defenders.

Ito ang ikalawag sunod na five-set showdown ng magkaribal, ngunit sa pagkakataong ito ang Balipure ang umuwing nagdiriwang tangan ang momentum para sa winner-take-all.

“Patibayan na ito. Labanang walang atrasan,” pahayag ni BaliPure coach Roger Gorayeb.

“Ang sabi ko lang sa kanila kagabi, uuwi tayong masaya. Hindi tayo uuwi nang malungkot, ayaw ko nang ganoon,” aniya.

Nanguna sa Cool Smashers si Pau Soriano sa natipang 19 puntos, habang kumubra sina Cesca Racraquin at Rosemarie Vargas ng 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Hindi rin sumuko ang Pocari nang pabagsakin ang Air Force, 25-22, 16-25, 23-25, 25-21, 15-12, para sa winner-take-all sa kanilang hiwalay na semifinal duel.

Kumana si Myla Pablo ng 22 puntos, habang tumipa sina Jeanette Panaga at Elaine Kasilag ng 12 puntos para panatilihing buhay ang kampanya na maidepensa ang korona. Nakatakda ang double winner-take-all sa Miyerkules.

“Walang ka-enjoy enjoy ‘yung laro noong nakaraan. Sabi ko sa kanila ngayon, nabigyan tayo ng chance, mag-enjoy kayo,” sambit ni Pocari Sweat coach Rico de Guzman.

Target ng Pocari Sweat na makopo ang ikaapat na sunod na finals appearance.

Nanguna sa Air Force si Dell Palomata na may 14 puntos.