July 23, 2026

Home FEATURES

Bukod sa tao: Natural phenomenon na nagdudulot ng pagkawasak ng kapaligiran

Bukod sa tao: Natural phenomenon na nagdudulot ng pagkawasak ng kapaligiran
Photo courtesy: Unsplash


Hindi ba kataka-taka kung bakit tila “extreme” na ngayon ang init kapag tag-araw?

Kapag naman tag-ulan, labis ang buhos na para bang wala nang katapusan!

Dahil dito, nagkakaroon ng baha, pagkasira ng mga kabahayan at estruktura, pagkaantala ng mga negosyo, at mas malala, kamatayan ng mga tao, halaman, at hayop.

Ngunit ano nga ba, o sino nga ba ang dahilan sa likod ng mga ito?

Ayon sa National Geographic Organization, may malaking epekto ang sangkatauhan ang pagkasira ng kapaligiran.

#BalitaExclusives: 'Wala namang kaluluwa 'yong AI:' Artist Leandro Reyes, tagilid sa AI sa paglikha ng tula!

Base sa ulat, maraming paraan ang tao kung paano nito sisirain ang kapaligiran: polusyon, pagsunog ng fossil fuels, deforestation o pagpuputol ng mga puno, at iba pa.

Dahil sa mga aktibidad na ito, nagaganap pa ang mas malalaking isyung pangkapaligiran kagaya na lamang ng climate change, soil erosion, poor air quality, mass extinction, at iba pa.

Malinaw na isa ang mga tao sa dahilan, ngunit ano pa nga ba ang iba?

Batay naman sa Encyclopedia Britannica, nariyan ang “natural disasters” na siyang sumisira din ng kapaligiran.

Ayon sa nasabing source, ito ay mga natural na pangyayaring maaaring magdulot ng kamatayan sa mga tao at pagkasira ng kapaligiran.

LINDOL

Ang lindol o “earthquake” ay isa sa mga pinaka-kinatatakutang natural disaster na maaaring maganap sa isang bansa o komunidad.

Nangyayari ang lindol kapag nagkakaroon ng pag-alog sa Earth’s surface dahil sa seismic waves.

Dahil sa enerhiyang nais ilabas ng daigdig, nagkakaroon ng pag-uga na siyang nagdudulot ng malagim at kagimbal-gimbal na epekto sa Earth’s crust, kung saan naninirahan ang mga tao at hayop.

Noon lamang Lunes, Hunyo 8, nagdala ng takot sa Sarangani at karatig-lalawigan nito ang magnitude 7.8 na lindol, na siyang naganap matapos ang paggalaw ng Cotabato Trench.

TSUNAMI

Batay sa parehong source, ang tsunami ay isang “catastrophic ocean wave,” na madalas na nagaganap dahil sa “submarine earthquake,” underwater o coastal landslide, o kaya naman ay isang volcanic eruption.

Ang isang tsunami ay maaaring maganap sa bilis na 800 kilometro kada oras sa isang malalim na katubigan.

Sapat ito upang kumitil ng buhay ng tao at hayop, at sumira ng mga imprastraktura at kapaligiran.

EL NIÑO

Maliban sa mga nabanggit na kaganapan, isa rin ang El Niño sa mga pangyayaring maaaring sumira sa kapaligiran.

Ang El Niño ay isang oceanographic at climatological event na tumutukoy sa hindi pangkaraniwang pag-init ng katubigan—na maaaring makaapekto sa pangingisda at agrikultura.

Bunsod ng dalang init ng El Niño, maaaring maantala ang produksyon ng mga gulay at prutas, at maaaring matuyo ang kalupaan hanggang hindi na nito kaya pang magpatubo ng mga halaman.

LA NIÑA

Ang La Niña ay ang “counterpart” ng El Niño.

Kung ang huli ay tumutukoy sa hindi pangkaraniwang init ng panahon, ang La Niña naman ay tumutukoy sa hindi pangkaraniwang paglamig ng katubigan sa Pasipiko.

Dulot nito ang pagtaas ng “cloudiness,” mas malalakas na ulan, at matataas na pagbaha.

Dahil dito, maaaring maantala ang produksyon ng mga suplay, malunod ang lupa at mga halaman, at masira ang kapaligiran.

GLOBAL WARMING

Ang global warming, o ang hindi pangkaraniwang pag-init ng mundo, ay isa sa mga pangyayaring sumisira sa kapaligiran.

Dahil sa global warming, nalalanta ang mga puno, nawawalan ng nutrisyon ang lupa, at nagiging “acidic” ang mga katubigan sa mundo—partikular na ang mga karagatan bunsod ng mataas na lebel ng carbon dioxide.

Maaari din itong maging sanhi ng iba pang disaster gaya na lamang ng wildfires at pagkasira ng atmospera ng daigdig.

Maliban sa kapaligiran, maaari din itong magdulot ng hindi magandang epekto sa mga halaman, hayop, at tao.

Hindi man nakokontrol ang “natural disasters,” tandaan na ang bawat pagkilos at galaw na ginagawa ng sangkatauhan ay may epekto sa kapaligiran.

Kung kaya’t kaysa maging problema, nararapat na maging katulong ng mundo ang mga tao upang muling maisaayos ito.