Ano’ng role mo, TOP, BOTTOM, VERSA?
Isa na ito marahil sa mga pahayag o katanungang maririnig tuwing mag-uusap ang mga indibidwal na nasa queer community.
Minsan mapapaisip ka, ano ‘yong top, bottom, at versa?
Tila ba jargon ito ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community, sapagkat sila lang yata ang tunay na nakauunawa ng mga salitang ito.
Pero ano nga ba talaga ang kahulugan ng mga terminong ito?
Ayon sa artikulong mababasa sa pahinang “Them,” sa usaping “sex and relationships,” ang mga salitang top, bottom, at versa ay mga terminong ginagamit upang ipaliwanag o ihayag ang “preference” ng isang tao pagdating sa pakikipagniig.
Tumutukoy din ito sa “sexual positions” at “power dynamics” ng isang indibidwal—partikular na ang mga miyembro ng gay community.
TOP
Ang mga top ay ang mga indibidwal na tinatawag na “penetrative partner.”
Sa madaling salita, sila ang nagpapasok ng kanilang putotoy sa kalooban ng kaniyang kaniig.
Kadalasan, ang mga top ay ang mga taong nais kontrolin ang daynamiko ng “sex” o “intercourse.”
Gayunpaman, may tinatawag ding “submissive top,” kung saan sila pa rin ang penetrative partner, ngunit hindi sila agresibo at dominante.
BOTTOM
Kabaligtaran ng top, ang bottom ay ang madalas na naggi-give way tuwing nakikipagniig.
Ang mga bottom ay ang nada “receiving end” ng “sex,” taliwas sa trabaho ng top sa gitna ng romansa.
VERSA
Ang mga versa ay tinatawag ding “switch.”
Mula sa salitang versatile, ang mga versa ay ang literal na nakakapag-enjoy sa “both world” of topping at bottoming.
Sa madaling salita, puwede sila maging bottom, puwede sila maging top—depende sa mood, sa sitwasyon, at sa pagkakataon.
May dalawang uri ng versa: versa top at versa bottom.
Gayong maaari ang switching sa naising sexual role, hindi maikakailang may lumalamang pa rin sa preference nila—depende kung topping o bottoming.
Sa usaping pakikipagniig at romansa, hindi lang puro sarap ang dapat na ikonsidera.
Kadalasan, kailangan din dito tingnan kung ano ba ang preference ng isa, para siguradong match kayong dalawa sa kama.