Pinag-aaralan na ng kampo ni dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang posibilidad na pagsasampa ng reklamong administratibo o kriminal laban kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag dahil sa umano'y paulit-ulit na pagpapatawag sa kaniya kaugnay ng kontrobersyal na isyu ng mga tinaguriang "maleta boys."
Sa isang panayam nitong Miyerkules, Hunyo 10, 2026, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio na maaari nilang dalhin ang usapin sa Department of Justice (DOJ) o Office of the Ombudsman kung magpapatuloy umano ang tinatawag nilang "pattern of harassment" laban sa kanilang kliyente.
Ayon kay Topacio, kung naniniwala ang NBI na may nagawang paglabag sa batas si Defensor, dapat umano itong idaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng paghahain ng pormal na kaso sa piskalya sa halip na paulit-ulit na mag-isyu ng subpoena.
"Sasabihin ko na sa kanila, [kung sa] tingin nyo may krimeng ginawa si Secretary Defensor, file nyo sa prosecution office, doon tayo mag-usap kasi yun talaga ang proseso," pahayag ni Topacio.
Iginiit ng abogado na may mga umiiral na batas na nagpapataw ng pananagutan sa mga opisyal ng gobyerno na umaabuso sa kanilang kapangyarihan.
May mensahe rin siya para kay Matibag kaugnay ng umano'y paraan ng pagsasagawa ng imbestigasyon ng NBI.
"Pwede naman kayo mag-file sa prosecution office ng demanda kung tingin nyo ay may krimen. Pwede naman kayo ang complainant, yung ex-relasyon eh. Pero, huwag itong patawag kayo ng patawag ng never-ending," dagdag ni Topacio.
Nag-ugat ang usapin matapos muling ipatawag ng NBI si Defensor kaugnay ng imbestigasyon sa sinasabing "maleta boys" na iniuugnay sa kontrobersiya ng mga flood control project.
Hindi dumalo si Defensor sa ikalawang subpoena hearing na itinakda ng NBI para sa naturang kaso.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pattern of harassment?' Mike Defensor, dinedma subpoena ng NBI
Batay sa mga alegasyon, sinasabing nagbigay umano si Defensor ng tig-₱5 milyong pera sa mga indibidwal na inilarawang dating mga "bagman" ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co kapalit ng kanilang testimonya kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa umano'y anomalya sa mga proyekto sa flood control.
Nauna nang sinabi ni Matibag na may kabuuang 18 katao ang umano'y tumanggap ng tig-₱5 milyon bilang kapalit ng kanilang mga pahayag hinggil sa kontrobersiya.