July 23, 2026

Home BALITA

Congestion rate sa mga kulungan, bumaba ng 200%; target na mapalaya kada taon, aabot sa 10,000!

Congestion rate sa mga kulungan, bumaba ng 200%; target na mapalaya kada taon, aabot sa 10,000!
Photo courtesy: MB file photo

Bumaba na sa 200% ang congestion rate sa mga kulungan sa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor), ayon sa ahensya, kasunod ng mga hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang siksikan sa mga pasilidad para sa mga persons deprived of liberty (PDL).

Sa panayam sa programang Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., na malaki na ang ibinaba ng bilang ng mga nakakulong kumpara noong mga nakaraang taon.

“In four years' time, na-decongest na natin [ang mga kulungan]. Dati, 300 to 350 [percent]. Ngayon, 200% na lang yung congestion,” ani Catapang.

Ayon sa opisyal, isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng congestion rate ay ang pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) program. Sa ilalim nito, maaaring mabawasan ang sentensiya ng mga PDL sa pamamagitan ng mabuting asal, pag-aaral, at pagtatrabaho habang nasa loob ng kulungan.

Sinabi ni Catapang na patuloy rin ang pagpapalaya sa mga kwalipikadong bilanggo bilang bahagi ng decongestion program ng ahensya.

National

'Kiyapo,' lalakas bilang tropical storm; signal no. 1, nakataas na!

“As of now, as of last count, 32,000 na tayo. And then, ang target ko every year, mga 10,000 kada isang taon na papapalaya,” dagdag niya.

Bukod sa pagpapalaya ng mga kwalipikadong PDL, isinusulong din ng BuCor ang pagtatayo ng mga bagong correctional facility sa iba't ibang bahagi ng bansa. Kabilang sa mga nakatakdang lokasyon ang Palawan, Nueva Ecija, at Laguna.

Plano rin ng ahensya na magtayo ng 13 regional facilities upang mapalawak ang operasyon nito sa mga rehiyong wala pa itong presensya. Sa kasalukuyan, mayroon lamang pasilidad ang BuCor sa limang rehiyon kabilang ang National Capital Region, Mimaropa, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Davao Region.

Ayon sa BuCor, kinakailangan ding magkaroon ng mga pasilidad sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Negros Island Region, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Samantala, sinimulan na rin ng BuCor ang pagtatayo ng isang Super Maximum Security Facility sa Sablayan, Occidental Mindoro para sa mga nahatulan sa mga karumal-dumal na krimen.

Patuloy namang isinusulong ng ahensya ang mga programang naglalayong mapabuti ang kalagayan sa loob ng mga kulungan habang pinapababa ang antas ng pagsisikip sa mga correctional facility sa bansa.