Winakasan ng paglagda nitong Biyernes ni Pangulong Duterte sa Strengthened Anti-Hospital Deposit Law (Republic Act 10932) ang kasuklam-suklam na pang-aabusong gawain sa mga ospital na humihingi ng deposito o iba pang uri ng paunang bayad bilang garantiya para tanggapin o gamutin ang pasyente na nangangailangan ng madaliang lunas.

“Under the new law, stricter penalties would be served to hospitals who would refuse treatment of emergency case patients because of a lack of money,’’ sabi ni Sen. Risa Hontiveros, ang sponsor ng bagong batas.

“Mas mahalaga ang buhay kaysa kita. Dahil sa batas na ito, wala nang mahirap na itataboy ng mga abusadong hospital. Wala nang mahirap na magmamakaawa para sa medikal na kalinga,’’ wika niya.

Sinabi ni Hontiveros na kabilang sa parusang nakasaad sa batas ang pagkakakulong ng apat hanggang anim na taon sa mga ospital na manghihingi ng anumang deposito o iba pang uri ng advance payment bilang “pre-requisite for admission or medical treatment of an emergency patient”.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Nilakihan din ang multa upang lalong mapakalas ang regulasyon.

Ang mga ospital na tatanggi sa magpapagamot na emergency patients ay magmumulta ng P100,000 hanggang P1,000,000.

Ang batas ay nagbibigay din ng kapangyarihan sa Department of Health (DoH) para bawiin ang lisensiya ng ospital matapos ang tatlong paulit-ulit na paglabag alinsunod sa alituntunin ng pagamutan o klinika o ayon sa kautusan ng management nito.

“It is the duty of the State to provide adequate health care to its citizens. This law is a reflection of this duty and of our continued commitment to improve and provide sufficient health care to the sectors of society that need it the most. People who need emergency medical care can now be assured of stronger rights under the law,” sabi ni Hontiveros.

Si Senator Hontiveros ay vice chairwoman ng Senate health committee. Siya ang kasalukuyang chairwoman ng Senate women, gender equality and family relations committee. - Mario B. Casayuran