NI: Celo Lagmay
SA nakalipas na mga dekada, wala akong natatandaang pagkakaton na ang Bureau of Customs (BoC) ay nagkaroon ng maipagkakapuring imahe. Nangangahulugan na sa ilalim ng alinmang administrasyon, ang naturang ahensiya ay laging nakukulapulan ng mga katiwalian at pinamumugaran ng mga opisyal at kawani na nakikipagsabuwatan sa mas tiwaling mga smuggler na pinakikilos ng bilyun-bilyong pisong payola.
Hanggang ngayon, wala akong nakikitang pagbabago sa nakadidismayang pamamalakad sa BoC sa kabila ng maigting na utos ni Pangulong Duterte hinggil sa paglipol ng lahat ng anyo ng katiwalian sa mga tanggapan ng pamahalaan. Nalantad ang pagwawalang-bahala sa utos ng Pangulo dahil sa mahiwagang pagpapalusot ng naturang ahensiya ng 650 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng nakalululang P6 na bilyon.
Mismong Senado at Kamara ang naninindigan na may milagro sa naganap na transaksiyon sa BoC na nagkataong pinamumunuan ni Commissioner Nicanor Faeldon; nagkakaisa ng panawagan ang mga mambabatas sa kanyang pagbibitiw upang hindi malagay sa kahihiyan ang Duterte administration. Tandisan namang ipinahiwatig ng Pangulo na hihintayin niya ang resulta ng imbestigasyon ng dalawang kapulungan bago niya pagpasiyahan ang kapalaran ni Faeldon.
Hindi kaya tinablan si Faeldon sa patutsada ng mga mambabatas? Bigla kong naalala ang nanggagalaiting pahayag ni dating Pangulong Benigno Aquino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2010: “Saan kaya kumukuha ng tapang ng hiya ang mga ito?” Mga tauhan ng BoC ang kanyang tinutukoy. Hindi ba ito rin ang dapat bigyang-tinig ni Pangulong Duterte?
Totoo na dapat mapuksa ang kurapsiyon hindi lamang sa BoC kundi sa buong burukrasiya. Sabi ng Pangulo: “Corruption must stop.” Katunayan, hindi pa natatagalan nang kanyang sibakin sa tungkulin ang 92 opisyal at kawani ng iba’t ibang tanggapan na tulad nga ng BoC, Bureau of Internal Revenue, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba pa.
Totoo rin na walang dapat itangi o sinuhin sa paglipol ng mga tiwaling lingkod ng bayan. Pinatunayan ito ng Pangulo nang kanyang dinismis ang mga opisyal na malapit sa kanyang puso at kaalyado sa mula’t mula pa lamang nang siya ay manungkulan bilang Davao City Mayor. Marapat lamang na mawala ang mga balakid sa paglikha ng malinis na gobyerno, tulad ng lagi niyang binibigyang-diin. Bukod pa rito, siyempre, ang kanyang pangunahing adhikain: Pagpuksa sa illegal drugs.
Tanggapin natin na sa kabila ng nakatutulig na panawagan sa pagbibitiw ng hindi karapat-dapat na mga pinuno at kawani, patuloy ang kanilang pangungunyapit sa puwesto; hindi mabaklas-baklas at mistulang nagpapatapangan ng hiya.