NI: Marivic Awitan

GINAPI ng Team Caguioa ang Team Slaughter, 15-13, para angkinin ang Camarines Sur leg ng 2017 PBA Ginebra San Miguel 3-on-3 Basketball Tournament kamakailan sa Camsur.

Naisalpak ni Gawyn Fernandez ang game-winning jumper may 11 segundo ang nalalabi para makamit ang slot tungo sa National Finals.

Nanguna ang 6-foot-3 na si Fernandez sa Team Caguioa sa naiskor na siyam na puntos, habang kumana sina Dan Michael Martin, Daniell Martin Uy, at Raphael Jude De Vera ng importanteng puntos para makamit ang kampeonato sa harap nang nagbubunying kababayan, kabilang si Vice President Leni Robredo.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Sinaksihan din ang torneio nina Mayor Eduardo Severo, Ginebra San Miguel Area Sales Manager for South Luzon Mr. Jaime Factor, Marketing Manager Mr. Ronald Rudolf Molina, Ginebra San Miguel Brand Manager Mr. Paolo Jose Tupaz, Territory Sales Manager Mr. Silver Zafranco, at PBA deputy for basketball operations Mr. Eric Castro, and Sports Coordinator Mr. Edpher Brojan.

Nangibabaw naman ang Team Aguilar – binubuo nina Kenneth Mercado, Jervin Deduyo, Virgilio VJ Serios, at Junmark Silvarez – kontra Team Tenorio, 21-10, sa Finals sa Computer Systems Technological College Gym.

Umabot na sa 12 ang umusad sa National Final at hinihintay na lamang ang magwawagi sa nalalabing apat na regional finals sa La Union, Davao, Cebu, at Tacloban.

Nakatakda ang Finals para sa 16 “Ganado Sa Buhay” teams sa September 1 sa SM Megamall Activity Center.