Ni BELLA GAMOTEA

Hinarang at inaresto ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport–Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang babaeng Bolivian na nakuhanan ng ilegal na droga sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon ang suspek na kinilalang si Maria Hinojosa Bazan, 50.

Base sa ulat, dumating si Bazan sa NAIA Terminal 1, sakay sa Ethiopia flight 628 mula sa Brazil, dakong 9:00 ng gabi.

National

'Huwag kayo tumulad kay Bato at Baste!'—AI student

Ayon kay Deputy Task Group Commander Marjuvel Bautista, ng NAIA-IADITG, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Interpol Manila na may dalang ilegal na droga ang suspek.

Nang makilala ang suspek, agad itong hinarang at sinuri ang kanyang mga bagahe hanggang sa madiskubre ang liquid cocaine na ikinubli sa mga winter jacket.

Ayon kay Bazan, ipinadala lamang sa kanya ang mga jacket at ipinabibigay sa isang Pinay, na hindi binanggit ang pangalan, kapalit ng pangakong ipa-oopera ang may sakit niyang anak.