Inihayag ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group naaresto ang lider ng "Royal Kingdom of Maharlika," na umano'y nagpapakilalang "hari" kaugnay sa isang investment scam sa Laguna.
Kinilala ni Wilson Asueta, acting director ng PNP-ACG, ang modus ng grupo na nanghihikayat ng mga miyembro kapalit ng pagbili ng tinatawag na “yellow” at “green” cards na may kaakibat umanong malaking halaga.
“Mayroong grupo na nagke-claim na isang kaharian ng ating Maharlikang Pilipinas at nagbebenta ng yellow at green card na may kaakibat na halaga at ito ay mangyayari lamang 'pag siya ay itinalaga na hari ng Pilipinas,” ani Asueta sa media.
Paliwang pa niya, “Sinasabi niya na siya ay tagapagmana o salinlahi ng isang pinakamayaman sa Mindanao. So DNA niya ay 99.9% sa panglimang henerasyon.”
Batay sa ulat mga ulat, ang suspek ay nagpakilalang “supremo” o hari at umano’y tagapagmana ng kayamanan, dahilan upang makahikayat ng mga biktima na sumali sa kanilang grupo.
Sinabi ng pulisya na isinasagawa ang operasyon matapos matukoy sa cyber patrol ang ilegal na aktibidad ng grupo, kung saan hinihikayat ang mga miyembro na maglabas ng pera kapalit ng pangakong benepisyo sa hinaharap.
Dagdag pa ng PNP-ACG, ginagamit umano ng grupo ang konsepto ng isang “kaharian” upang makapanloko, habang pinaniniwala ang mga miyembro na magkakaroon sila ng malaking kita at pribilehiyo kapag naitatag ang kanilang sinasabing sistema.
Patuloy namang pinaiimbestigahan ng mga awtoridad ang iba pang posibleng sangkot sa nasabing scam, habang hinihikayat ang publiko na maging mapanuri laban sa mga kahina-hinalang investment schemes.