Ni: Mary Ann Santiago
Duguang bumulagta ang isang lalaki nang resbakan at sumpakin ng kanyang kapitbahay sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Tinangka pang isalba ng mga doktor si Mark Esplana, 39, tindero, ng 1320 C-69 C.P. Garcia Street, Clareben Compound, sa Tondo, ngunit huli na ang lahat.
Arestado at nakatakdang sampahan ng kasong murder si Arvin Mendez, 41, umano’y miyembro ng Batang City Jail, at residente ng 1205 C.P. Garcia Street, Tondo.
Sa ulat ni SPO3 Jonathan Bautista, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dumalo ang biktima sa double birthday celebration ng kanyang mga kaibigan nang sumulpot ang suspek at sinumpak ang una, bandang 12:15 ng tanghali.
Nang makitang bumulagta ang biktima, kumaripas ang suspek ngunit hinarang at binugbog ng mga saksi sa pangyayari.
Nagawang makatakas ni Mendez ngunit kalaunan ay naaresto ng mga tauhan ng MPD-Station 1.
Ayon sa pulisya, posibleng paghihiganti ang motibo sa pamamaslang nang malaman na nagkaroon ng alitan ang dalawa matapos sitahin ni Esplana si Mendez sa paninigaw nito sa isang grupo ng mga teenager na nagbi-videoke sa loob ng kanilang compound noong Sabado ng gabi.