Ni: Mary Ann Santiago
Timbuwang ang isang barangay kagawad, na accredited contractor ng Manila Electric Company (Meralco), nang baunan ng bala sa ulo ng hindi pa nakikilalang armado habang tumutulong sa pagkabit ng linya ng kuryente sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Dead on the spot si Eduardo Arcilla, 46, kagawad ng Barangay 14 at residente ng 328 Saint Peter Street sa San Antonio, Tondo, dahil sa tama ng bala sa ulo.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang pamamaril sa tapat ng basketball court na matatagpuan sa Gate 20, Area H, Parola Compound, bandang 12:35 ng tanghali.
Tinutulungan ni Arcilla ang mga tauhan ng Meralco nang lapitan ng suspek at malapitang binaril, gamit ang hindi pa batid na kalibre ng baril, sa ulo.