Ni: Reggee Bonoan
NAGPADALA ng message sa amin ang ilang kaklase naming nanood ng ASAP Live in Toronto dahil hinanap si Coco Martin.
Bakit daw wala ang aktor, e, naroon ang leading lady niya sa FPJ’s Ang Probinsyano na si Yassi Pressman.
Sinabi namin, sobrang busy si Coco dahil bukod sa araw-raw na tapings niya ng serye ay nagso-shooting pa siya ng Ang Panday na kalahok sa 2017 Metro Manila Film Festival.
Hindi kakayanin ng schedule ni Coco na lumabas ng bansa dahil sa ilang araw na pagkawala ay mabibitin ang taping niya ng FPJ’s Ang Probinsyano at ang shooting ng Ang Panday na siya mismo ang bida, direktor at producer pa.
Sagot ng kaklase namin, “Ay, sinolo na ni Coco lahat? Hindi na niya kailangang mag-show, super yaman na ni Coco.”
Hindi naman sa mayaman, masyado lang dedicated si Coco sa trabaho niya at saka baka hindi rin naman siya inalok ng ASAP.
Anyway, bilib na bilib si Coco sa mga sundalong nagbuwis ng buhay sa Marawi, kaya sa pamamagitan ng post sa social media ay nagbigay-pugay ang aktor sa kanila. Aniya, “Itinaya ang buhay para sa bansa. Saludo po ako sa lahat ng mga sundalo!”
Timing na halos ganito rin ang eksena sa FPJ’s Ang Probinsyano nitong nakaraang araw nakipagsagupaan ang SAF sa mga rebelde.
Nanatiling number one ang FPJAP sa primetime sa ratings na 39.8% nationwide at hindi pa rin kayang talunin ng mga taong-ibon na nakakuha ng 18% nationwide.