Ni: Clemen Bautista

BAHAGI ng Ortigas Avenue Extension at ng national road ang Sitio Kaytikling, Barangay Dolores, Taytay, Rizal.

Dinaraanan ito ng mga jeep, taxi, malalaking truck at mga pribadong sasakyan sa loob ng 24 oras.

Sa nakalipas na panahon, ang mga tauhan ng Taytay police, mga barangay tanod at traffic enforcer ng munisipyo ang nangasiwa sa trapiko. Sa Sitio Kaytikling dumaraan, mula sa Cabrera road, ang malalaking truck na galing sa Antipolo at iba pang motorista na patungong Ortigas Avenue Extension at Metro Manila. At dahil pababa ang kalsada, malimit magkaroon ng aksidente kapag mabilis ang takbo o nawalan ng kontrol ang malalaking truck. Nasasagasaan ang mga tricycle na nakaparada at mga tindahan na nasa ibaba ng Cabrera road.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Dahil sa nasabing mga pangyayari, nilagyan ng DPWH-Rizal Engineering District 1 ng rotonda ang Sitio Kaytikling.

Lumuwag ang kalsada sapagkat natanggal na ang mga tindahan at iba pang illegal structure, at loading-unloading zone.

Nagtayo ng footbridge at overpass para sa mga pasahero na maghihintay ng sasakyan sa Ortigas Avenue Extension.

Nagpasalamat ang mga taga-Rizal sa DPWH-Rizal Engineering District 1.

Nagpasalamat din ang mga motorista at ang mga pasahero sapagkat naging maayos ang daloy ng trapiko. Ngunit makalipas ang ilang buwan, nagbalik ang masikip na daloy ng trapiko sa Sitio Kaytikling. Umangal at nagreklamo ang mga motorista at ang mga pasahero dahil sa matagal na biyahe.

Agad nagsagawa ng obserbasyon si Taytay Mayor Juric Gacula. Marami siyang nakita at natuklasan sa kalagayan ng trapiko sa Sitio Kaytikling. Walang disiplina ang mga driver ng PUJ, UV Express, bus at maging ang mga pedestrian.

Mayroong illegal terminal sa tapat ng isang fastfood chain. May illegal terminal din ng taxi at UV Express sa ilalim ng footbridge.

Dahil dito, inatasan ni Mayor Gacula ang mga tauhan ng Municipal Public Safety Office (MPSO) at ng Traffic Management Group (TMG) na buwagin ang mga terminal sa nasabing lugar.

At upang maging banayad ang daloy ng mga sasakyan sa Ortigas Avenue Extension, hiniling ni Mayor Gacula kay Cainta Mayor Keith Nieto na atasan ang mga tauhan ng TMG ng Cainta na dagdagan ang oras ng traffic light sa Valley Golf. At tuwing rush hour, bigyan ng prayoridad ang mga sasakyan sa Ortigas Avenue Extension. Hiniling din ang kooperasyon ng mga tanod ng Bgy. San Isidro.

Bukod sa mga nabanggit, hiniling din ni Mayor Gacula sa mga tanod ng Bgy. Dolores na tulungan ang mga tauhan ng TMG sa paghuli ng mga lumalabag sa batas-trapiko. At upang makatulong din sa paglutas sa problema sa trapiko sa Sitio Kaytikling, nitong Hulyo 24 ay ipinatupad na ang truck ban.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Mayor Gacula sa mga concerned citizen na dumalo sa traffic summit, na pinamagatang:

TRAFFIC...A Major Concern for Every Taytayeno. Tinanggap din niya ang mga mungkahi ng mga netizen na makatutulong sa paglutas ng problema sa trapiko sa Sitio Kaytikling.