NI: Ali G. Macabalang

KIDAPAWAN CITY – Alinsunod sa kanyang kampanya sa pagtalima sa batas trapiko, nag-utos si Kidapawan City Vice Mayor Bernardo F. Piñol ng 10 push up sa mga motorcycle rider na mahuhuli ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) na walang lisensiya.

Pinuri ng ilang residente ang insidente, na nangyari nitong Hulyo 7, sa highway na nag-uugnay sa Kidapawan at Makilala.

Gaya ng kanyang kapatid na si Agriculture Secretary Manny Piñol, ang bise alkalde ay isa ring dating mamamahayag na naging pulitiko.

Probinsya

Problema ng pagbaha sa Rizal, dapat pangunahan ng angkan ng Ynares at Duavit —De Guzman

Gayunman, pinuna ng ilang lokal na operatiba ang “humanitarian” na parusa ng bise alkalde, at sa huling report kay LTO-Region 12 Director Macario Gonzaga ay inakusahan ang opisyal ng “pakikialam” sa pagpapatupad ng batas trapiko.

“After the driver finished his push ups, Vice-Mayor Piñol ordered him released. Before we could react, the driver had already left,” sabi ni Bonifacio Dalawan, tauhan ng LTO, na iginiit na dapat na in-impound ang motorsiklo ng rider bilang parusa sa pagmamaneho nang walang lisensiya.

Paliwanag naman ni Piñol na bilang presiding officer sa pagpapasa ng mga batas sa siyudad, nais niyang maamyendahan ang traffic code upang mabawasan ang penalty sa mga lumalabas sa batas trapiko sa siyudad, sa paraang hindi kasing higpit ng ipinatutupad sa malalaking siyudad, gaya ng Maynila.

Isang linggo makalipas ang kontrobersiyal na insidente, ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ang isang resolusyong nagbabawal sa mga tauhan ng LTO-12 sa pagsasagawa ng highway inspection, dahil makaaapekto umano ito sa mga negosyo sa siyudad.