Ni: Celo Lagmay

HINDI ko ikinagulat ang mahigpit na implementasyon ng Kamara o House of Representatives sa patakaran nito hinggil sa wastong oras na pagpasok ng mga mambabatas sa plenary hall. Katunayan, ang ganitong regulasyon ay hindi lamang sa naturang bulwagan ipinatutupad kundi maging sa mga paaralan at sa iba pang pribadong tanggapan. Bahagi ito ng angkop na disiplina na dapat isadiwa ng lahat.

Matagal nang dapat isinulong ang naturang reglamento dahil sa tahasang pagwawalang-bahala ng ilang Kongresista sa kahalagahan ng punctuality o wastong oras ng pagdalo sa pagtalakay ng mga panukalang-batas. Mabuti na lamang at kamakailan, sa utos ni Majority Floorleader Rodolfo Fariñas, mistulang pinagsarhan ng pinto ang apat na mambabatas; pinagbawalang makapasok sa plenary hall upang makipagbalitaktakan sa pagbalangkas ng mga batas at sa pagbusisi sa iba pang makabuluhang mga isyu.

Totoo na ang gayong sistema ay maaaring maglagay sa kahihiyan sa ilang mambabatas, lalo na kung iisipin na sila ay laging itinuturing na mga honorable o kagalang-galang. Subalit totoo rin na laging inaasahan ng sambayanan ang pagtataglay ng mga mambabatas hindi lamang ng angkop na disiplina kundi ng talino na lubhang kailangan sa pagbalangkas ng mga batas na magpapasulong sa bansa at sa ating lahat.

Sa bahaging ito, bigla kong naalala ang pagpapasara ng mga guro ng pinto ng mga silid-aralan kapag tayo ay naaatraso sa pagpasok sa paaralan. Bahagi rin ito ng pagkikintal sa ating utak ng tunay na kahulugan ng disiplina at iba pang maiinam na kaugalian.

Ang gayong makatuturang mga patakaran ay maituturing kaya na paglabag sa karapatang-pantao ng mga Kongresista at ng mga mag-aaral? Paano kaya ito susuriin at titimbangin ng Commission on Human Rights (CHR), ang ahensiyang laging nangangalandakang tagapagtanggol ng mga biktima ng kalupitan at pang-aapi?

Ang palagian o regular na paglahok ng mga mambabatas – Senador at Kongresista – sa mga talakayan sa plenaryo at maging sa mga committee hearing ay patunay ng kanilang pagiging mga disiplinadong lingkod ng bayan. Katunayan, silang lahat ay nagpapaligsahan sa pagiging topnotcher hindi lamang sa paramihan ng isinusulong na bill kundi sa paramihan ng araw ng pagpasok sa kanilang mga tanggapan. Ibig sabihin, top notcher ang walang absent o pagliban sa Kongreso.

Hindi kabilang dito ang mga mambabatas na nagpapakita lamang sa oras ng roll call; kalaunan ay lumalabas para sa personal na kadahilanan at transaksiyon na pagkakakitaan.

Hindi ito ang natitiyak kong inaasahan ng mamamayan sa ating mga mambabatas. Ang itinuturing nilang kapuri-puri ay yaong mga lingkod ng bayan na disiplinado na ay nag-aangkin pa ng katalinuhan na lubhang kailangan sa pakikipagtalakayang may lohika.