Ni: Marivic Awitan

PORMAL na umusad sa quarterfinals ang Marinerong Pilipino matapos makumpleto ang pagwawalis sa huling lima nilang laro sa eliminations kasunod ng huling panalo kontra AMA Online Education, 125-71 , kahapon sa penultimate day ng eliminations ng 2017 PBA D League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Buhat sa pitong puntos na bentahe sa second period, 33-26, kumalas ang Skippers sa second period sa pamumuno ni Mark Isip na isinalansan ang 11 sa kanyang kabuuang 15 puntos sa nasabing yugto upang iposte ang 64-39 na kalamangan sa halftime.

Mula doon, umabot pa sa 57- puntos ang kanilang kalamangan sa iskor na 123-66.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Pinangunahan ni Julian Sargent ang nasabing panalo sa kanyang itinalang 20-puntos, 7 rebounds, 5 assists at 4 na steals. Nagdagdag naman si Donald Gumaru ng 18 puntos at si Isip ng 15 puntos.

Natapos ng Skippers ang eliminations sa barahang 6-4, at posible silang pumuwesto bilang ikaanim sa playoffs depende sa magiging pagtatapos ng mga sinusundang koponang Batangas at Centro Escolar University.

Samantala, nanguna naman para sa Titans na may isa lamang panalo kontra siyam na talo si Daniel Salonga na may 14 puntos.