NALAGPASAN nina Pinay golfer Lois Kaye Go at Mikha Fortuna ang unang 36-hole stroke play para makausad sa mas mabigat na labanan sa match play ng US Girls’ Junior Championship nitong Martes (Miyerkules sa Manila) sa Boone Valley Golf Club sa Augusta, Missouri.

Hataw si Go, team captain ng Team Philippines sa Kuala Lumpur, Malaysia SEA Games sa Agosto, sa naiskor na dalawang birdies para maabatan ang tatlong bogeys tungo sa one-over 72 at two-day total na 145 sapat para sa ika-18 puwesto sa 64-player Match Play field.

Kumubra naman si Fortuna ng 74 matapos ang nakapanghihinayang na triple-bogey seven sa No. 7 at tumapos sa ika-22 tangan ang kabuuang iskor na 146.

Nakamit ni Lucy Li ng US ang low medal honor sa natipang 66 para sa 137 two-day score, isang stroke ang bentahe kay Thai Paphangkorn Tavatanakit (68-138).

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Makakaharap ni Go si No. 47 Ellie Szeryk ng Canada, habang mapapalaban si Fortuna kay No. 43 Stephanie Carras ng Michigan.

Masusubok si Li kay No. 64 Belinda Hum habang si Tavatanakit ay natapat kay No. 63 Emily Mahar ng Australia.

Hindi naman kinasiyahan ng suwerte sina Pinay Annika Cedo at Sam Bruce na kapwa na-cut sa iskor na 152. Tumapos si Cedo sa 159 matapos ang final day 78, habang subsob si Bruce sa ika-161 matapos ang iniskor na 80.