Ni: Mary Ann Santiago
Natuluyan sa pamamahinga ang isang pedicab driver nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa loob ng kanyang padyak sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ilang tama ng bala sa katawan ang ikinamatay ni Ronald Martinez, alyas Tisoy, 33, ng 309 Romana Street, Tondo.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Manila Police District (MPD)-Station 1 commander, Police Supt. Ruben Ramos, naganap ang pamamaril sa J.P. Rizal Street, malapit sa kanto ng Simoun St., dakong 9:14 ng gabi.
Sa imbestigasyon, nakaupo at nagpapahinga si Martinez sa loob ng kanyang padyak nang sumulpot mula sa kanyang likuran ang dalawang suspek, magkaangkas sa motorsiklo, at siya ay pinagbabaril.
Nang makitang napuruhan ang biktima, mabilis na nagsitakas ang mga suspek patungo sa Jacinto St., Tondo.
Ayon sa ina ng biktima, si Regina Francisco, walang kaaway si Martinez at matagal nang tumigil sa paggamit ng ilegal na droga.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek gayundin ang motibo ng mga ito.