Ni: Analou De Vera

Arestado ang isang beautician matapos umanong tangayin ang P10,000 cash sa loob ng bahay ng customer nito sa Tondo, Maynila kamakalawa ng hapon.

Nahaharap sa kasong theft si Guillermo “Gina” Zapanta, 54, ng Sevilla Street sa Tondo.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nagpunta si Zapanta sa bahay ni Magdalena Constatino, 62, sa Sandico Street at inalok na linisan ng kuko, bandang 4:00 hapon. Pumayag si Constatino dahil regular customer siya ni Zapanta.

Metro

Lalaki, pinatay 7 empleyado ng bakery dahil pinagplanuhan daw siyang patayin ng mga ito

Makalipas ang isang oras, binayaran na ng biktima ang serbisyo ni Zapanta at sinabing susunduin na niya ang kanyang apo sa eskuwelahan.

Gayunman, sinabi umano ni Zapanta kay Constatino na aalis siya ng bahay nito kapag nakabalik na ang una dahil nanonood pa siya ng telebisyon. Pumayag naman ang biktima, ayon sa pulis.

Makalipas ang ilang minuto, nang makauwi na ang biktima at kanyang apo, nagmamadaling umalis si Zapanta. Napansin ng biktima na ang kanyang wallet na naglalaman ng P10,000, na kanyang inilagay sa ibabaw ng telebisyon, ay wala na.

Tinanong ni Constantino ang kanyang anak na si Roa, na nasa taas ng bahay, kung nakita nito ang kanyang wallet.

Sinabi sa kanya ni Roa na nakita niyang hawak ito ni Zapanta ngunit hindi niya sinita sa akalang magkasama ang suspek at ang biktima noong oras na iyon.

Agad ini-report ni Constatino ang insidente na nagresulta sa pagkakaaresto kay Zapanta ngunit bigong mabawi ang pera.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Moriones-Tondo Police Station.