NI: Celo Lagmay

BAGAMAT hindi naisingit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang isyu tungkol sa pagsisiksikan ng mga preso sa mga piitan, naniniwala ako na ang naturang problema ay hindi dapat ipagwalang-bahala ng administrasyon. Katunayan, kasing-halaga ito kung hindi man ay higit pang importante kaysa mga detalye na inilahad niya sa bayan.

Muling nalantad ang kagyat na pagtutuon ng pansin sa naturang isyu dahil sa pagkamatay kamakailan ng dalawang inmate o bilanggo sa isang detention cell ng Manila Police District (MPD) sa Malate. Heat stroke ang sinasabing sanhi ng kanilang kamatayan; siksikan sa naturang piitan at ang mga preso ay hindi na halos makagalaw; hindi malayo na sila ay dinadapuan ng iba’t ibang karamdaman.

Hindi ito ang unang pagbusisi ko sa masalimuot na isyu hinggil sa pagsisiksikan sa mga kulungan na umaabot na ngayon sa 511 porsiyentong higit sa maximum carrying capacity ng mga bilangguan. Ibig sabihin, ang 463 bilangguan sa buong bansa na nakalaan lamang para sa 20,746 inmates ay kinapipiitan ngayon ng 126,946 preso. Mismong Commission on Audit (COA) ang nagpatunay ng paglobo ng bilang ng mga inmates sa mga bilangguan na pinamamahalaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Naniniwala rin ako na maging sa mga bilangguan na pinamamahalaan naman ng Bureau of Corrections (BuCor) ay may matindi ring problema sa pagsisiksikan ng mga preso. Ang New Bilibid Prison (NBP), halimbawa, ay lumampas na sa maximum carrying capacity dahil marahil sa pagdagsa ng mga nahahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo o life sentence na dapat ipiit sa NBP. Upang lumuwag ang naturang piitan, marapat lamang isaalang-alang ng mga awtoridad ang paglilipat ng ilang inmates sa mga penal colony na pinamamahalaan din ng BuCor na matatagpuan sa Davao, Palawan at sa iba pang isla sa Mindanao.

Totoo na ang pagdami ng mga bilanggo ay bunsod ng pagtaas ng bilang ng mga naaaresto kaugnay ng maigting na kampanya laban sa illegal drugs. Kailangan nilang manatiling nakakulong habang nililitis ang kanilang mga asunto.... Tumatagal ang kanilang pagkakabilanggo dahil naman sa mabagal na pag-usad ng paglilitis, kakulangan ng mga hukom sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Idagdag pa rito ang laging idinadahilang pagpapaliban ng pagdinig sa mga kaso.

Sa kabila ng kanilang pagiging mga bilanggo, marapat din silang pagmalasakitan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga selda upang maiwasan ang kanilang pagsisiksikan. Dapat ding paigtingin ang tinatawag na good conduct time. Sa gayon, ang mga preso na nakapagmalas ng mabuting pagkilos at pag-uugali habang nakabilanggo ay maaaring mapalaya lalo na kung napagsilbihan na nila ang kanilang sentensiya.

Sa gayon, luluwag ang mga piitan at natitiyak ko na hindi magkakatotoo ang pangamba na baka ang mga preso ay matulog nang nakatayo.