Ni: Manny Villar

ANG Philippine Development Plan of 2017-2022 ang nagpapakita ng uri ng pagbabago na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panahon ng kampanya.

Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), ang PDP 2017-2022 ang unang medium-term development plan na nakaangkla sa pangmatagalang pananaw ng Ambisyon Natin 2014.

Ayon kay Secretary Ernesto M. Pernia, ito ang una sa apat na planong pang-anim na taon na layuning marating sa loob ng 25 taon ang kalagayan ng maunlad na lipunan na walang dukha para sa Pilipinas. Sa taong 2014, mamumuhay nang mahaba at malusog at matalino ang mga Pilipino.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Nakatuon ang plano sa pag-unlad sa tatlong bagay: malasakit, pagbabago at patuloy na pag-unlad.

Isa sa mga nakaakit sa akin ang pagtutuon sa malasakit, at natutuwa ako na kasama ito sa programa sa pagpapaunlad.

Naniniwala ako na ang ating adhikain ay hindi lamang para paunlarin ang ekonomiya kundi hanguin ang lahat ng dukha mula sa kahirapan.

Ang uri ng ating lipunan ay makikilala kung paano natin tratuhin ang mga may kakulangan sa buhay. Ang ating pagkalinga at pagmamahal sa ibang tao ang nagtutulak sa atin upang magsikap sa paggawa upang lumikha ng kaunlaran hindi lamang para sa ating pamilya kundi para sa ibang tao.

Paano balak abutin ng pamahalaan ang adhikaing ito? Hangarin ng plano na gawing malinis at epektibo ang pamahalaan at nakasentro sa tao. Ang mga opisina ng pamahalaan ay bibigyan ng sapat na pasilidad, at ang mga kawani ay sasanayin upang matiyak ang mabilis na pagbibigay ng serbisyo.

Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng tiwala sa pagitan ng pamahalaan at ng publiko. Sa unang araw pa lamang niya sa opisina, inilatag na ng Pangulo ang maigting na kampanya laban sa katiwalian. Ilang opisyal ang naalis, kabilang ang ilang malalapit sa kanya, dahil sa hinala ng katiwalian.

Inatasan din niya ang mga opisina ng pamahalaan na magbigay ng mabilis at epektibong serbisyo. Nagbabala siya na ayaw niyang makita ng mga mamamayan na nakapila upang humingi ng serbisyo. Ito ang tinatawag na malasakit.

Isa pang bahagi ng plano ang pagiging mabilis at walang-kinikilingang paggagawad ng hustisya. Sa ilalim ng...

bagong plano, pag-iisahin ang proseso ng pagsasampa ng reklamo hanggang sa paglilitis at paghatol. Gagawin ito sa lahat ng ahensiya sa ilalim ng Ehekutibo at Hudikatura.

Naniniwala ako na mahalagang bahagi sa pagpapalakas ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan ang mabilis na aksiyon sa reklamo ng publiko. Ang sistema ng katarungan na nagbibigay ng atensiyon kahit sa mga karaniwang tao ay makatutulong upang ibigay ng mga mamamayan ang kanilang tiwala sa pamahalaan.

Natitiyak ko na narinig na natin minsan sa ating buhay ang hinaing na walang katarungan sa Pilipinas dahil walang malasakit sa tao ang pamahalaan. Nagagalak ako at binigyan ito na mataas na prayoridad ng administrasyong Duterte.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)